
Mga magsasaka ng Hacienda Luisita, tinitingnan ang kanilang pangalan sa pinal na listahan ng benepisyaryong inilabas ng Department of Agrarian Reform noong Pebrero 27. (Ilang-Ilang Quijano)
Nang i-turnover ni Department of Agrarian Reform (DAR) Sek. Virgilio de los Reyes ang listahan ng mga benepisyaryo ng lupa sa Hacienda Luisita sa covered court ng Brgy. Mapalacsiao, mga hiyaw ng galit, sa halip na tuwa, ang sumalubong sa kanya.
Dahil dito, hindi natuloy ang inaasahan ng mga magsasaka na “publicity gimmick” ng DAR. Nang magsimulang maghiyawan ang mga magsasaka, bumalik na lamang sa mga sasakyan si de los Reyes at mga tauhan ng DAR. Bago nito, nag-press conference na ang DAR sa isang malapit na hotel para ianunsiyo sa midya ang paglabas ng listahan.
Paliwanag ni Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU), gusto sana nilang makapagsalita muna ang DAR, bago igiit ang kanilang hiling na libreng pamamahagi ng lupa. “Kaso agitated na ‘yung mga tao. At ayaw na rin niyang (de los Reyes) makinig sa amin,” aniya.
May dahilang magalit si Rafael Marquez, 59, residente ng Brgy. Bantog. Ipinanganak siya sa asyenda at nagsimulang magtrabaho rito noong 1970. Mga tenanteng magsasaka rin ang kanyang mga ninuno.
Kahit tatlong beses siyang ininterbyu ng mga tauhan ng DAR, “hindi pa rin nila ako isinama listahan,” malungkot niyang sinabi.
Napaluha rin si Rebecca Santos, 46, nang makitang wala sa listahan ang kanyang pangalan. Kasama siya sa 1989 Stock Distribution Option (SDO) referendum na tinataguriang master list ng mga benepisyaryo, at may homelot pa para patunayan ito. Tubong asyenda rin ang kanyang mga ninuno.
“Hindi sana ganoon kasakit sa loob ko kung ‘yung mga hindi dapat nasa listahan ay wala. Kaso ang daming nandoon na hindi naman dapat. Samantala kaming nakipaglaban, wala,” himutok niya.
Kuwestiyunableng listahan
Kinukuwestiyon ng mga grupong magsasaka ang listahan ng DAR na nakabatay sa listahan na umano’y pinalobo ng manedsment ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI). Ang 5,176 na benepisyaryong kasama sa 1989 SDO referendum ang nais lamang na kilalanin ng ULWU at Ambala (Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita). Ngunit kinilala ng Korte Suprema sa desisyon noong 2011 ang 6,296 na benepisyaryo na iginigiit ng HLI. Nasa 6,212 dito ang bumuo sa pinal na listahan ng DAR.
Ayon sa DAR, nakabatay ang kanilang listahan sa master list, mga interbyu, dokumentong isinumite ng mga magsasaka, at rekord ng HLI sa Social Security System (SSS).
Ngunit ayon sa ULWU at Ambala, itinigil ng HLI ang pagbabayad sa SSS mula 1985 hanggang 1990. “Saan nagmula ang dagdag na 1,000 pangalan?” anila.
Gayunpaman, opisyal na naghain lamang ng exclusion ang mga grupo sa walong tao na kilalang mga bisor at “loyalista” ng HLI: sina Windsor Andaya, Noel Mallari, Julio Suniga, Eldie Pingol, Engr. Rizalino Sotto at Brgy. Capt. Edgardo Aguas.
Paliwanag ni Bais, para hindi “mag-away-away” ang kanilang hanay (gaya ng hinahangad ng manedsment), pinalampas na nila ang iba pang isinama sa listahan ng DAR na tauhan ng HLI, gaya ng mga kasambahay ng pamilya Cojuangco.
Ngunit hindi pa rin napigilan ng mga magsasakang nagbabasa ng listahan na tukuyin kung sinu-sino ang sa tingin nila’y hindi tunay na benepisyaryo: “Labandera ito ng mga Cojuangco,” sabi ng isa, sabay turo sa isang pangalan.
Sinikap din ng ULWU at Ambala maisama sa listahan ang mga miyembrong hindi nakasama sa inisyal na listahang inilabas ng DAR noong Oktubre 2012. Ngunit kahit isa sa 16 na ipinetisyon nila para sa inclusion, hindi ipinasok ng DAR.
Matagal pang laban
Sinasabi ng pamilyang Cojuangco na “nirerespeto” nila ang desisyon ng Korte Suprema, habang sinasabi naman ng DAR na ginagawa nito ang lahat para maipatupad na ang desisyon.
Ngunit taliwas dito ang kanilang ginagawa, ayon sa mga magsasaka.
Sa isang pulong ng DAR, manedsment ng HLI, kompanyang magsa-sarbey ng lupa, at mga lider ng ULWU at Ambala noong Pebrero 21 sa Max’s Restaurant, Luisita Park, sinabi ni Peping Cojuangco na hindi siya makapapayag na isarbey ang lupa hangga’t hindi sila nababayaran ng gobyerno ng kompensasyon.
Isa sa maraming natitirang usapin sa pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita ang kompensyasyon–iniwan ito ng Korte Suprema sa pagpapasya ng DAR. Ayon sa mga magsasaka, dapat ibatay ito sa halaga ng lupa noong 1989, habang iginigiit naman ng HLI na ibatay ito sa mas mataas na halaga ng lupa noong 2004.
Isa lamang ang kahulugan ng pahayag ni Cojuangco, tiyuhin ni Pangulong Aquino: “Matatagalan pa ito. Siyempre, hangga’t hindi nakakapagsarbey ng lupa, hindi mailalabas ang mga CLOA (Certificate of Land Ownership Award),” ayon kay Bais.
Ngunit karamihan sa mga magsasakang nakapanayam ng Pinoy Weekly ang hindi kampanteng makita lamang ang kanilang pangalan sa listahan, o kahit mabigyan pa ng CLOA.
“Siguro hindi ako matutuwa hangga’t hindi pa talaga mabibigay ang lupa,” ayon kay Remedios Viedan, 59.
Isa si Viedan sa maraming magsasaka na napilitang iparenta ang lupa sa mga nagtatanim ng tubo, dahil sa kagipitan at tagal ng pamamahagi nito ng gobyerno. Karamihan sa mga rumerenta o pinagsanglaan ng lupa ay mga tauhan ng HLI–ito ang naging paraan ng kompanya para panatilihin ang kontrol sa asyenda.
“Pero hindi ko na ire-renew ang kontrata (sa renta),” aniya, tila nabubuhayan ang loob sa paglabas ng listahan ng DAR.
Iba pang maniobra

Napipilitang parentahan o isangla ng mga magsasaka ang kanilang lupa para sa mga tubuhang pag-aari ng mga tauhan ng HLI. (Ilang-Ilang Quijano)
Ngunit hindi nauubusan ng maniobra ang pamilya Cojuangco. Inihayag ni de los Reyes kamakailan na ibabawas pa sa 4,335-ektaryang lupa na ipinagkaloob sa mga magsasaka ang mga pampublikong lupa gaya ng kalsada at kanal ng irigasyon.
“Sinabi niya (de los Reyes) na napagkasunduan ito sa isang inspeksiyon noong Pebrero 14. Hindi iyon totoo. Naroroon si Peping (Cojuangco) kaya hindi kami sumama (sa inspeksiyon),” paglalahad ni Bais.
Ipinagkaloob din ng DAR sa manedsment ng HLI ang pagtatakda ng criteria o pamantayan sa pagpili ng auditing firm para sa P1.33 Bilyon mula sa pagbenta ng mahigit 500 ektarya ng lupa sa asyenda, na inutos ng korte na ibalik sa mga magsasaka.
Kinuwestiyon ito ni Bais: “Bakit sila ang magtatakda, eh para sa amin ang pera?”
Naghain na ang ULWU at Ambala ng diskwalipikasyon sa auditing firm na Reyes Tacandong & Co., na karamihan sa mga opisyal ay dati umanong nagtatrabaho sa SGV & Co. Philippines, ang auditing firm ng HLI.
Libreng pamamahagi
Iginigiit pa rin ng mga magsasaka ang libreng pamamahagi ng lupa. Umano’y ito ang tanging paraan para masigurong hindi maibabalik lamang ang lupa sa kamay ng pamilya Cojuangco.
Sa kanilang kwenta, kung matutupad ang P1 Milyon kada ektarya na kompensasyon sa lupa, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper) ay mangangahulugan na babayaran ito ng magsasaka ng P700,000.
“Sa ilalim ng Carper, 30 percent lang ang subsidy ng gobyerno. Eh kahit nga sabihin pa nating 50 percent ang subsidy, saan kukunin ng mga magsasaka ang kalahating milyon? Eh ‘di babalik lang ulit sa kanila (mga Cojuangco) ang lupa,” sabi ni Bais.
Dagdag pa niya, “Ang swerte naman ng mga Cojuangco. Napasakanila ang lupang ito noong 1957, ang ipinambayad, pera ng gobyerno. Ngayon, ibabalik sa atin ang lupa, babayaran na naman sila ng gobyerno. Ang swerte nila!”
Nakasaad pa sa Carper na maaaring bawiin ang CLOA kapag tatlong taon nang hindi nakakabayad ng amortisasyon ang mga magsasaka. Ngayon pa lang, marami nang magsasaka na ang nagpaparenta o nagsasangla ng lupa sa halagang P3,000 hanggang P10,000 lamang, nang dahil sa hirap.
“Habang nandiyan ang Carper na ‘yan, hindi matutupad ang tunay na reporma sa lupa,” sabi ni Bais.
Kaya naman patuloy na pinanghahawakan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang “bungkalan” o kolektibong pagbubungkal ng lupa, isang porma ng paggiit ng kanilang pag-aari rito.
Sumali sa bungkalan simula noong 2005 si Marquez. Hirap man dahil walang suporta ng gobyerno, masaya siya sa pagtatanim sa lupa na itinatrato niyang kanya. “Mas gusto ko ang palay kaysa tubuhan. Noon, ang kita ko ay P100 lang sa isang linggo dahil dalawang beses lang ako pinagtatrabaho,” aniya.
Wala man siya sa listahan ng DAR, naniniwala siyang hindi siya pababayaan ng kanyang mga kasamahan sa tila matagal-tagal pang laban para maibalik sa kanila ang lupa.