
Patuloy ang pangungilala ni Mang Rexes Siena, 57, (kanan, katabi ni Garry Martinez ng Migrante Party-list), sa kanyang anak na istranded pa rin sa Saudi Arabia. (KR Guda)
Sa isang madilim na sulok ng kampuhan nakaupo si Mang Rexes Siena, 57 anyos. May ilaw sa karatig na mga KTV at sa headlights ng mga sasakyang dumaraan, at maliwanag din ang compound ng Department of Foreign Affairs (DFA). Sa harap nito, kung saan nakatirik ang kampo nina Mang Rexes, tanging rechargeable lamps lang ang liwanag.
Sa inuupuan ni Mang Rexes, tanaw ang malayong logo ng departamento. Pana-panahong tumatanaw siya rito, na para bang may hinahanap.
At may hinihintay. Pangalawang beses na silang nagkampo dito, sa DFA. Naghihintay pa rin sila ng katanggap-tanggap na tugon sa naturang ahensiya. Unang beses, noong Abril 28 at 29. Tinangka sila noon na itaboy ng mga guwardiya, pero naggiit si Mang Rexes at mga kasamahan niya. Kahit man lang kaunting inconvenience, maiparanas nila sa mga opisyal ng DFA. Hindi biro ang kinakaharap nila – lalo ang mga kaanak nila.
Nangungulila siya sa kanyang anak na si Jennifer. Mahigit tatlong taon na si Jennifer sa Riyadh, sa pangunahing destinasyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) – Saudi Arabia. Nagkarelasyon siya roon, nagkaanak, pero nagkahiwalay sila ng karelasyon. Di na sikreto sa marami ang pagiging istrikto ng gobyerno roon: Kung may anak ka pero walang asawa, ikukulong ka at pahihirapan.
Pero hindi lang ito ang pinoproblema ni Mang Rexes sa anak niya. Cashier sa isang ospital si Jennifer, pero gusto niyang lumipat ng trabaho. Nang nag-aaplay na siya sa bagong trabaho bilang medical secretary, biglang nawala at di mahagilap ang kanyang employer sa ahensiya. Dala nito ang pasaporte niya. Hindi makapag-aplay ng trabaho at dahil sa hirap na mag-aplay sa embahada ng Pilipinas ng pasaporte, lumipas ang working visa ni Jennifer. Naging undocumented worker siya.

Maliban sa kanyang anak at apo, nasa Saudi rin ang kanyang asawa — bagamat dokumentado at matagal nang nagtatrabaho ito roon. (KR Guda)
“Kinakabahan na ako para sa anak ko,” sabi ni Mang Rexes. Noong nakaraang linggo, nakausap ng kapatid niya si Jennifer. Kailangan na raw talaga niyang umuwi. Umiiyak si Jennifer sa telepono. Kinakabahan na rin siya. Nagdeklara ang gobyerno ng Saudi ng crackdown sa undocumented na mga migrante sa kanilang bansa. Sa crackdown na ito, ikinukulong ang lahat ng mga nahuhuli.
May mga kuwentu-kuwento pa umano, bagamat di pa kumpirmado, na polisiya ng gobyerno ng Saudi na kung di dokumentado ang isang bata, naiiwan ito sa kustodiya ng gobyerno. Ibig sabihin, kung totoo nga ito, kahit ipadeport na si Jennifer, dahil walang dokumento ang kanyang anak (at apo ni Mang Rexes), di ito makakauwi ng Pilipinas.
Kaya kaunting sakripisyo lang umano para kay Mang Rexes ang matulog sa kampuhan ng Migrante sa harap ng DFA. Ilang beses man silang tangkaing paalisin, maninindigan sila – kung ibig sabihin naman ito’y makakauwi ang anak at apo niya.
Hindi nag-iisa si Mang Rexes sa kampuhan. Maraming kaanak na nandoon noong gabing iyon. Tulad niya, nanganganib ding ang kanilang mga kaanak na nasa Saudi ngayon. Papalapit na ang Hulyo 9 na dedlayn ng gobyernong Saudi para itodo nito ang crackdown, pero dahil sa maraming salik – pangunahin dito ang anila’y “papetiks-petiks” ng mga opisyal ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Saudi – hindi pa rin makauwi ang mga Pilipino na istranded ngayon sa Saudi.
Krisis humanitarian
Kasama’t nakikiisa sa kampuhan noong gabing iyon si Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. Katunayan, at kung tutuusin, hindi inasahan ng mga kaanak na sumama sa kampuhan si Garry. Pangalawang nominado ng Migrante Party-list na tumatakbo sa party-list elections, abala siya sa pangangampanya, laluna’t huling linggo na lang ng eleksiyon.
Pero hindi umano maatim ni Garry na di maging bahagi ng kampuhan. “Humanitarian crisis na ang nagaganap ngayon sa Saudi,” paliwanag niya. Ikinuwento niya ang sitwasyon sa Saudi: ang crackdown na nagsimula noong Marso 28, at ang pagkabalot sa takot ng mga Pilipino dahil sa crackdown na ito.

Solidarity campout ng mga kaanak ng mga istranded na Pilipino sa Saudi, sa harap ng Department of Foreign Affairs sa Manila. (KR Guda)
“Martial law-style crackdown ang ginawa nila. Pinapasok ang mga ospital, mga eskuwelahan, mga bahay – kung nasaan ang mga undocumented na Pilipino. Hinihila sila, kinakaladkad. Marahas talaga,” kuwento niya. Nanguna ang Migrante-Middle East sa pag-ayuda sa mga undocumented. May ilang mga kaanak na nagpatuloy sa kanila – bagamat mapanganib din ito, absconding na ito at ilegal ang magpatuloy ng tinutugis ng gobyerno.
Target ng ispekulasyon sa hanay ng mga migrante kung bakit may crackdown. Tingin ni Garry, hindi ito nalalayo sa sitwasyon ng Saudi: tumitindi ang disimpleyo sa hanay ng mga lokal na mga manggagawa at kabataan sa Saudi. Maraming kabataan ang nakakapag-aral sa ibang bansa, pero pag-uwi nila sa Saudi, walang makuhang trabaho. “Nakaramdam na ng presyur ang Royal Family ng Saudi. May papalakas na diskuntento sa mga tao (sa Saudi),” aniya.
Dalawang taon na ang nakararaan mula nang pumutok ito, pero ramdam pa rin umano sa Saudi Arabia ang tinaguriang “Arab Spring” – ang sunud-sunod na protesta at pagpapabagsak sa mapanupil na mga rehimen sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. Palagay ni Garry, unang tinatarget ng gobyernong Saudi ang mga manggagawa at mga migrante, dahil sila ang pinakaunang madaling maorganisa laban sa gobyernong mapanupil. Tinarget ng gobyerno ang undocumented na mga Pilipino.
Masugid na ikinampanya ng Migrante sa mga pandaigdigang institusyong pangkarapatang pantao ang problema ng mga Pilipino sa Saudi. Natulak ng kampanyang ito na magsalita ang mismong hari ng Saudi – at magbigay ng tatlong buwang palugit para ayusin ng mga undocumented ang kanilang legal na papeles.
Ang problema, ani Garry, “parang easy-easy yung mga opisyal (ng DFA).”
Grabeng problema
Ang naging kilos ng mga opisyal ng embahada, mga konsulado at ng DFA, ayon kay Garry, ay tila “wait-and-see” na aktitud sa lumalalang problema ng mga istranded na Pilipino sa Saudi. Patunay nito ang paggiit nila na wala pang implementing rules and regulations ang gobyernong Saudi kaugnay ng tatlong buwang palugit.
Pero giit ng Migrante, kung talagang may political will ang gobyernong Pilipino, hindi na nito hihintayin ang isang IRR. Sisiguruhin nitong ang mga Pilipinong nanganganib sa crackdown ay magkaroon ng sapat na dokumento para makauwi ng bansa. Isa sa mga balakid dito ang pagkuha umano ng “no objection certificate” – isang patunay na wala nang habol ang ahensiya o employer sa Pilipino kung kaya maaari na siyang umuwi ng Pilipinas. Para sa mga Pilipino, malaking paglabag ang polisiyang ito – na pinagkasunduan ng gobyernong Saudi at Pilipino – dahil tali sila sa employer at hindi basta-basta makakauwi kahit na inaabuso na sila ng mga ito.
Para kay Garry, kung may political will lang sana ang gobyernong Aquino, agad itong magdedemanda sa gobyernong Saudi na pabayaang umuwi na ang mga istranded na Pilipino. “Puwede niyang (Pangulong Aquino) ipatawag ang ambassador ng Saudi Arabia dito sa Pilipinas at sabihin ang demand natin. Maraming paraan,” ani Garry. Nakapagtatakang di ito ginagawa, kasi ginagawa naman ito ng mga gobyerno ng ibang bansa, halimbawa ng India at Indonesia.
Noong diyalogo ng Migrante sa DFA matapos magtayo ng kampo noong Abril 28, inireklamo na ni Garry ang katahimikan ni Pangulong Aquino sa isyu. Sagot ng mga opisyal ng DFA, maraming inaasikaso ang Pangulo.
Di natiis ni Garry, sinagot niya: “Buti nga ’yung love life niya (Aquino), naibabalita niya sa buong mundo, ang isyung ito, tahimik siya.”
Pagsupil sa kapwa Pinoy
Noong Abril, ispontayong nagkampo ang humigit-kumulang 100 migranteng Pinoy sa isang lote malapit sa konsulado ng Pilipinas sa Jeddah. Tinagurian na ito ngayong tent city, at kumakatawan sa humigit-kumulang 4,500 istranded na mga Pilipino sa Jeddah pa lamang. Pinagbabantaan na itong buwagin ng gobyernong Saudi. Samantala, aktibo ang Migrante at ang mga Pilipino roon na pagbigay ng ayudang pagkain at iba pang rekurso sa mga nananatili sa tent city.
Samantala, sa Riyadh, ispontanyo ring kumilos ang mga migranteng Pilipino. Dinagsa nila ang compound ng embahada ng Pilipinas, gustong makipagdiyalogo kay Amb. Ezzidin Tago. Pero ayon sa mga Pilipino roon, sa halip na makipagharap ay pinagbantaan pa raw sila na pagtabuyan mula sa compound.

Para sa Migrante, kung may political will lang ang Pangulo, madali niyang masosolusyonan ang krisis ng mga migrante sa Saudi. (KR Guda)
Nanatili sila, at nagkampo sa isang lumang kantina ng embahada. “Hindi kami aalis,” sabi ng mga Pilipino, at mananatili umano sila doon. Aalis lamang sila kung tutuloy na sila sa airport para sa wakas ay makauwi sa Pilipinas. Aabot umano sila sa 150 doon.
Pinatayan sila ng kuryente, sabi ni Garry. Ilang araw lang ang nakararaan, pati ang pagpasok ng mga pagkain at mga rekurso, hinarang na rin. Pati mga Pilipinong nars at doktor, pinipigilan na rin, ayon sa Migrante-Middle East. Marami na kasing nagkakasakit doon, bagamat ayaw pa ring umalis.
Pati ang mga Pilipinong gusto sanang pumasok sa embahada, mahigpit na kinokontrol na rin umano. “Hirap na nga makaboto ang mga kababayan natin doon,” sabi ni Garry. Marami pa naman sana ang boboto sa Migrante na pinigilang makaboto, pabirong sabi niya. Pero ang seryoso, pagyurak umano ito sa kanilang right to suffrage (karapatang bumoto).
Kasama sa mga hindi pinapasok sa embahada ang anak ni Mang Rexes. “Gusto sana niyang makiisa, pero di siya pinapasok,” sabi ni Mang Rexes.
Nakapagtataka umano ito, sabi pa ni Garry. “Kung sa pelikula nga di ba, ginagawa ng bida ang lahat para makaapak sa embassy ng bansa niya, kasi sanctuary niya ito. Pero dito (sa Philippine Embassy sa Riyadh), baliktad.” Sa loob ng embassy, doon ka pa raw pagmamalupitan.
“Maling mensahe ang ipinapadala nila sa host countries (mga bansang nagho-host ng mga OFW),” sabi pa ni Garry. Ang mistulang mensahe ng gobyerno ni Aquino, okey lang na lapastanganin ng host country ang karapatan ng mga OFW – para maprotektahan lamang ang polisiya ng gobyerno na pag-eksport ng lakas-paggawa.
Sa ngayon, umaasa si Mang Rexes na ang mga aksiyon nila sa Riyadh, Jeddah at ang solidarity campout ng Migrante sa harap ng DFA sa Manila ay magtutulak sa gobyerno na gawin ang lahat para sa mga nanganganib na naistranded na mga Pilipino sa Saudi.
Alam umano nina Jennifer at ng mga nakakampo sa Jeddah at naka-occupy sa Riyadh ang pagkampo rin nina Mang Rexes, at “nai-inspire sila” na ipagpatuloy ang laban.