Walong buwan na mula nang paslangin sa bayan ng Arakan, North Cotabato si Fr. Fausto “Pops” Tentorio. Pero sa imbestigasyon ng gobyerno, wala pa ring linaw ang kaso. Bagamat may natukoy na mga salarin sa pagpaslang sa pari, hindi pa rin natutunton ang mga utak ng pamamaslang.
Hindi pa rin nabibigyang hustisya ang pagpaslang sa pari na matagal na naglingkod sa mga mamamayan ng Timog Mindanao.
Matapos ang pamamaslang, agarang binuo ng gobyerno ang isang task force na mag-iimbestiga raw sa naturang kaso. Pinangunahan ito Deparment of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police at lokal na mga opisyal.
Naging masigla ang kooperasyon ng mga testigo at komunidad. Pumaloob pa sa nasabing task force ang Justice for Fr. Pops Movement (JPM) na kinapapalooban ng iba’t ibang grupo kabilang na ang Karapatan.
Samantala, habang usod-pagong ang imbestigasyon ng gobyerno ni Benigno Aquino III, gumugulong naman ang imbestigasyon, pagpaparusa at paghangad ng hustisya kay Fr. Pops – ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Mindanao.
Lumutang na mga saksi
Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Hanimay Suazo, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Mindanao Region, sinabi niyang sa kanilang grupo unang lumapit si Ric (di-tunay na ngalan). Si Ric ang positibong nagturo sa magkapatid na sina Jimmy at Robert Ato bilang pangunahing salarin sa pagpatay kay Fr. Pops.
“First week ng December 2011, may lumapit sa amin na gusto raw tumestigo. Kinuhanan namin ng affidavit para sa dokumentasyon, tapos ininterbyu rin siya ng NBI,” sabi ni Suazo.
Ilang linggo matapos mainterbyu ng NBI si Ric, inaresto si Jimmy at nakuha sa kanyang pag-iingat ang baril na diumano’y ginamit sa pagpatay. Pero nakatakas naman ang kapatid nitong si Robert Ato na kinupkop naman ni Rep. Nancy Catamco ng ikalawang distrito ng North Cotabato. Hindi ipinagkaila ni Catamco na tauhan niya si Robert Ato at nagpahayag sa mga midya na isusuko niya si Robert kung may kaso siya. Hanggang sa kasalukuyan, nasa pangangalaga pa rin ng naturanng mambabatas ang isa sa mga salarin.
Gayundin, ang pag-aresto kay Jimmy Ato ay hindi pa dahil sa kaso ng pagkakapaslang kay Fr. Pops. Ang warrant of arrest ay patungkol sa isang kaso (Criminal Case No. 2245) ng arson at pagpatay na nakasampa sa Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City.
Sa kabila ng tuwa sa pagkakaaresto kay Jimmy Ato na itinuturing na gunman, hindi malubos ang kasiyahan ng mga grupong malalapit sa biktima. Ikinuwento ni Suazo na nagkaroon ng isang case conference noong Enero ang binuong task force, kasama ang JPM. Ayon kay Suazo, napagkasunduan na magtutulungan at magkakaroon ng kooperasyon ang bawat grupo sa imbestigasyon para maresolbahan agad ang kaso.

Piket ng mga taong-simbahan sa harap ng Department of Justice para sa hustisya kay Fr. Pops Tentorio, noong Nobyembre 2011. (Macky Macaspac / PW File Photo)
“Nakaharap sa case conference ang JPM, kasama ang NBI, PNP (at) CHR. Nandoon din si Fr. Peter Geremiah at Bishop de la Cruz ng Kidapawan na nag-facilitate sa conference. Nagkasundo ang lahat na magtutulungan sa imbestigasyon. Hindi rin exempted sa imbestigasyon ang pulis, ibang opisyal lalo na ang militar at ’yung paramilitar na Bagani,” ani Suazo.
Ayon pa kay Suazo, napagkasunduan din umano sa case conference na kailangang matukoy ang mastermind, dahil isang salarin pa lang ang nahuhuli. “Sa tingin kasi ng aming abogado, may conspiracy sa pagpatay kay Fr. Pops, at ’yung alleged gunman pa lang ang nahuhuli, ” dagdag niya. Ngunit laking gulat na lang ng grupong JPM, nang sampahan ng reklamo ng NBI sa Provincial Prosecutors Office sa Kidapawan ang magkapatid na Ato kasama ang dalawang magsasaka na idinawit ng hiwalay na testigo ng NBI. Sa tingin ng grupo, minadali ng NBI ang pagsampa at may pagtatangkang iligaw ang imbestigasyon.
“ Kasalukuyan pa kaming nag-iipon ng ebidensiya. Nilabag ng NBI ang napagkasunduan sa case conference. Wala kasing eye witness, puro circumstantial evidence. Isinama pa ang magkapatid na sina Jose at Dima Sampulna,” ani Suazo. Iginiit din niya na sa pag-iimbestiga ng JPM, walang kinalaman ang magkapatid. Kalaunan, inalis din sa reklamo ang magkapatid na Sampulna.
Sang-ayon naman ang Karapatan na may kinalaman ang magkapatid na Ato. Anila, “kuwestiyonable” talaga ang pagkatao ng magkapatid na ito, na diumano’y kilalang goons sa North Cotabato.
Dahil sa pagtingin ng grupo na hindi malalim ang pag-imbestiga ng NBI, nagkusa sila na palalimin ang imbestigasyon hanggang may pangalawang testigong lumapit muli sa kanila. Sa pagkakataong ito, mas may kredibilidad ang testigong si Dante (di-tunay na pangalan), ayon kay Suazo. Inamin umano ng testigong si Dante na siya ay aktibong kasapi ng Special Bagani Force at idinawit ang kanilang kumander na si Jan Corbala alyas “Kumander Iring” na nagplano sa pagpatay kay Fr. Pops, sa utos na rin ng mga militar.
“Special Bagani Force” ang paramilitar na grupong binubuo ng mga katutubong Lumad at kumikilos sa North Cotabato. Nagsisilbi silang force multiplier o karagdagang puwersa ng militar sa kampanya laban sa New People’s Army. Ngunit inirereklamo ito ng iba’t ibang grupo dahil sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Ipinakita ni Suazo sa sa Pinoy Weekly ang testimonyang isang “Dante.” Bahagi umano si Dante ng unang grupong binuo para patayin si Fr. Pops. Noong Oktubre 10, sa isang pulong na ipinatawag ni Kumander Iring, sinabi sa kanila na ipinag-uutos ng militar na ambusin at patayin si Fr. Pops at naibigay na umano kay Kumander Iring ang paunang bayad sa halagang PhP50,000 kasama ang isang motorsiklong Honda XRM na gagamitin sa pag-ambus. “Ipapatay gyud siya sa military kay supporter siya sa NPA (Pinapapapatay siya ng militar dahil tagasuporta raw si Fr. Pops ng NPA,” bahagi ng testimonya ni Dante.
Ayon pa sa testimonya, Oktubre 15 ang itinakdang pag-ambus sa pari, ngunit hindi ito natuloy. Tumanggi raw si Dante na sumama sa operasyon. Nahuli rin ng kapulisan ang mga armas na gagamitin sa pagpatay. Hindi rin umano sumang-ayon ang datu ng kanilang tribu sa planog asasinasyon.
Iginiit din ni Dante na alam niyang nasa lugar ng pinangyarihan ng pagpatay sa pari noong Oktubre si Kumander Iring, kasama ang iba pang kasapi ng Bagani Force na sina Nene Durado, Kaing Labi, Edgar Enoc at Joseph Basol. Gayundin na nakikipag-ugnayan si Kumander Iring sa magkapatid na Ato bago at matapos ang insidente.
Ayon kay Suazo, ilang dayalogo pa ang nangyari sa pagitan ng JPM at Task Force Fausto (DOJ, NBI at iba pang government agencies) bago makapagsampa ng karagdagang reklamo sa Prosecutors’ Office. Inalis sa reklamo ang magkapatid na Sampulna dahil binawi ng mga testigo ng NBI ang kanilang naunang mga pahayag.
Maliban sa magakapatid na Ato, idinagdag sa reklamo ang mga kasapi ng Bagani Force na sina Kumander Iring, Nene Durado, Kaing Labi, Edgar Enoc at Joseph Basol. Kasama rin sa panibagong inireklamo ang mga Commanding Officer ng 57th Infantry Batallion, 10th Special Forces Batallion at 601st Infantry Brigade ng Philippine Army.
Hanggang sa kasalukuyan hindi pa rin nasasampahan ng pormal na kaso ang mga inaakusahan dahil nasa yugto pa rin ito ng preliminary investigation sa Provincial Prosecutors Office. Isa pa lamang sa mga inaakusahan ang nahuli NBI, samantalang ang isa ay nasa pangangalaga naman ni Rep. Nancy Catamco, karamihan ay patuloy pa rin na gumagala.
Samantala, kasabay ng imbestigasyon sa kaso ng mga ahensiya ng gobyerno gayundin ang fact-finding mission ng JPM, isang proseso ng “rebolusyonaryong hustisya” ang umuusad kaugnay ng kaso.
Rebolusyonaryong hustisya
Kasing aga pa ng buwan ng Disyembre 2011, ipinalabas na ng Merardo Arce Command, Southern Mindanao Regional Operations Command (MAC-SMROPC) ng rebolusyonaryong NPA ang kanilang indictment laban sa mga opisyal ng militar.
Ipinagsakdal ng binuong military tribunal ng NPA ang ilang opisyal-militar sa lokal at nasyunal na antas, mga kasapi ng paramilitar at armadong ahente nito, kasama na si Pangulong Aquino bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines.
Kinasuhan sila ng salang pagpatay kay Fr. Pops at sa magsasakang si Ramon Batoy na pinaslang tatlong araw matapos patayin ang pari. Naging prominente lamang sa midya at publiko ang pagpapalabas ng indictment, nang “parusahan” ng NPA noong Marso 2012 si Patrick Wineger, isang negosyante sa Kidapawan at itinuturong military asset at sangkot sa Central Intelligence Agency (CIA) ng gobyernong US.
Inilinaw ni Simon Santiago, direktor ng political department ng NPA-MAC sa panayam ng Pinoy Weekly, na kanilang agarang binuo ang isang panel ng imbestigador ilang araw matapos paslangin si Fr. Pops at si Ramon Batoy. “Nagbuo agad ng isang investigating body at may direct witnesses din, kaya natukoy ang mga taong sangkot sa pagpatay at naipalabas agad ang indictment,” sabi ni Santiago.
Sa panayam, inisa-isa ni Santiago ang pagkilala ng rebolusyonaryong kilusan sa mga naiambag ni Fr. Pops hindi lamang para sa mga katutubong Lumad ng Arakan. “Maraming serbisyo at proyekto si Fr. Pops dito sa Arakan at umaabot pa ang iba sa ilang lugar ng Davao,” aniya. Kinilala rin nila ang aktibong paglaban ng pari laban sa pagpasok ng mga kompanya ng mina at sa pang-aagaw ng mga lupain ng mga magsasaka at katutubo para sa malawakang plantasyon ng mga dayuhan at lokal na negosyante. Isa sa tinutulan ng pari ang programang CADT (certificate of ancestral domain title).
“Sa tingin ni Fr. Pops, peke ang programang CADT, kaya kontra siya rito, lalo (sa) mining,” ani Santiago.
Naniniwala ang rebolusyonaryong kilusan na pinaslang ang pari dahil sa aktibong pagkontra niya sa mga programang labis na makakaapekto sa mga mamamayan ng Arakan, bahagi din umano ang pagpaslang sa kontra-insurhensiyang programang Oplan Bayanihan.
“Maraming threats kay Fr. Pops na mula sa mga panatiko dahil na rin sa posisyon niya laban sa anti-people programs. Makailang beses na rin siyang pinagtangkaan,” sabi ni Santiago. Sinabi pa niya na buwan din ng Oktubre pumasok sa Arakan ang 3rd Special Forces Batallion ng 10th Infantry Brigade ng Army, sa panahong ito pinaslang ang pari.
Positibo rin sa kanilang imbestigasyon na ang nahuling si Jimmy Ato ang isa sa pumaslang sa pari. Gayundin na sangkot na negosyanteng si Patrick Wineger. Ayon kay Santiago, aktibo si Wineger bilang armadong intelligence asset ng militar. Siya rin ang nagpopondo at nag-aarmas sa mga paramilitar kabilang na ang mga akusadong magkapatid na Ato. Sa ipinalabas nilang indictment nakasaad ito:
“Sometime between August and September 2011, the 6th ID-AFP under Respondent Maj. Gen. Rey Ardo held a so-called peace meeting at the North Cotabato provincial capitol. Witnesses bare that present in this meeting was Wineger who singled out Fr. Tentorio and his progressive Arakan Church as a big impediment to the AFP counter-revolutionary Oplan Bayanihan operations in North Cotabato and adjacent areas. After Fr. Tentorio’s death, Wineger immediately conferred with the killer and his companions–the bagani ringleaders in Barangay Dalag, Arakan– to confirm the murder. Wineger who is known to have close ties with retired Gen. Jovito Palparan and Norberto Gonzales has, for more than a decade, coddled and financed fanatical and anti-NPA Bagani warriors and groups particularly those present in the hinterlands of North Cotabato, Bukidnon province and in Davao City including Respondent Corvala. Respondent Nene Durano and Corvala are frequently seen at Wineger’s house in Makilala.”
Ngunit inilinaw ni Santiago na hindi sa indictment “pinarusahan” si Wineger. Mayroon umanong matagal ng “standing order” para sa negosyante at ahente sa salang kontra-rebolusyonaryo dahil sa aktibo nitong paglahok sa kampanya ng mga militar. “Involved siya sa pagpatay kay Fr. Pops pero hindi siya pinarusahan dahil sa indictment,” aniya. Pinarusahan daw ang negosyante dahil sa pagiging armadong ahente ng militar, financier ng mga Bagani na ginagamit ng militar sa counter-insurgency at aktibong kumalaban sa kilusan.
“Nahatulan na siya bago pa paslangin si Fr. Pops,” diin ni Santiago.
Pinaninindigan din ni Santiago sa kanilang imbestigayson na bukod kay Wineger na nasa likod ng pagpaslang kay Fr. Pops, nasa likod din nito ang militar dahil bahagi umano ng Oplan Bayanihan. “Sa tingin nila, sagabal si Fr. Pops sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan,” aniya.
Dagdag pa ni Santiago, patuloy na may bisa ang indictment at kanilang aarestuhin ang mga taong nasasangkot anumang oras na mabigyan sila ng pagkakataon para maiharap sa korte ng rebolusyonaryong gobyerno. Gayundin, masusi nilang tututukan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga ahensiya ng itinuturing nilang reaksiyonaryong gobyerno.
“Titingnan namin kung ano ang development sa imbestigasyon ng reaksiyonaryong gobyerno. Ngayon pa nga lang may cover-up na. Tingnan ninyo ’yung isa sa Ato brothers, nasa pangangalaga ni Rep. Nancy Catamco,” ani Santiago.
Ipinangako ni Santiago na gagawin ng rebolusyonaryong kilusan na maibigay kay Fr. Pops ang hustisya. “Titiyakin ng kilusan na palabasin ang katotohanan para maibigay ang rebolusyonaryong hustisya,” aniya.
(Panoorin ang bidyo-dokumentaryo hinggil sa panayam ng Pinoy Weekly kay Simon Santiago.)
(Basahin ang artikulo hinggil sa ‘bagong gobyerno’ sa Timog Mindanao.)